Hindi Kasya sa Balde, Ang Krisis ng Bayan
Kapag natutuyo ang gripo, ang balde ay naghihintay sa ilalim ng alulod. Ngunit paano kung hindi umulan? At kung umulan man, hanggang kailan sasapat iyon? Halina't talakayin ang hinain na payo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa harap ng bantang Super El Niño.
Noong Oktubre 11, 2026, sa isang pakikipag-usap sa mga mamamahayag sa Singapore, sinabi niya: "Bumili na kayo ng balde, para 'pag umulan, makolekta na ninyo lahat". Madaling pagtawanan ang pahayag na ito. Ngunit may isang tanong na maaaring kumalabog sa ating isipan: Ano ang ginagawa ng pamahalaan habang hinihikayat ang bawat tahanan na mag-ipon ng tubig?
Sa kabuuan ng kaniyang pahayag, may mas malawak na plano ang Pangulo. Ipinanukala niya ang kampanya sa pag-iipon at muling paggamit ng tubig, kasama ang pagtuturo ng wastong pagsala at pag-i-isterilisado nito. Dagdag pa rito nangako rin siyang magbibigay ng mga pansala upang maisakatuparan ito. Ayon sa Malacañang, maghahanda ang DSWD ng gabay sa paraang ito.
Hindi rin dito nagtatapos ang paghahanda. Hiningan din ang mga ahensya ng mga plano sa suplay ng tubig at pagkain, kahandaan ng ospital, tulong sa magsasaka, at pagpapatuloy ng klase. Kabilang din ang cloud seeding. Mahalaga ang mga ito kung maisasagawa.
May dahilan na tayo upang magmadali. Nagbabala ang PAGASA na maaaring lumakas pa ang El Niño at magpatuloy hanggang unang kalahati ng 2027. Ayon sa Pangulo, sapat ang suplay ng bigas at mga pangunahing karne, ngunit matinding maaapektuhan ang gulay. Pagkain, kabuhayan, at kalusugan ang nakataya.
Kung ganito kalaki ang nakataya, hindi sapat ang paglalahad lamang ng mga plano. May mga pangakong dapat munang balikan. Noong Disyembre 2023, ipinag-utos ni Marcos na tapusin ang mahahalagang proyektong patubig pagsapit ng Abril 2024. Ngunit sa El Niño noong 2024, mahigit ₱1.2 bilyon ang naitalang pinsala sa agrikultura, na nakaapekto sa 29,409 magsasaka at mangingisda. Hindi nito nangangahulugang walang ginawang paghahanda, ngunit makalipas ang mahigit dalawang taon, nasaan na ang malinaw na resulta ng mga ipinangakong proyekto?
Hindi naman masama ang payong mag-ipon ng tubig. Praktikal ito at maaaring makatulong sa bawat mamamayan. Ngunit hindi lahat ay may kakayahang bumili ng kagamitan o mag-imbak nang ligtas. Sa halip na balde ang unang ipabili, hindi ba't mas makabuluhang tiyaking may sapat na tubig na maaaring ipunin?
Maging ang planong buhayin ang green revolution, na pinalawak noong panahon ng ama ng Pangulo, ay nangangailangan ng masusing pagsusuri. Inilunsad na ang Green Revolution 2.0 noong 2022, kaya nararapat lamang na ipakita muna ang naging resulta nito. Hindi sapat ang pamimigay ng binhi kung ang lupang pagtataniman ay wala ring tubig.
Sa huli, hindi ang balde ang tunay na suliranin, kundi ang posibilidad na maging pamalit ang simpleng payo sa pangmatagalang solusyon. Sapagkat kung ang mamamayan ang inaasahang sumalo sa bawat patak ng ulan, sino naman ang sasalo sa pananagutan ng pamahalaan?